SI SAKAY AT ANG REPUBLIKA NG KATAGALUGAN
Jamil Adrian L. Matalam. Ateneo de Davao University. History 111 Lectures. 18 February 2008
______________________________________________________________
Naging kontrobersyal ang pagtatalakay sa kasaysayan nila Macario Sakay noon. Sila ay binansagang mga bandido, o mga tulisan ng mga Amerikano. Ang mga layunin nila ay para maghasik ng pananakot at kaguluhan. Itinuring sila bilang mga ordinaryong kriminal. Ganito rin ang pagtalakay sa kasasayan nila sa Sakay noon, itinuring silang mga bandido. Hindi sila itinuring nga nakikipaglaban para sa kalayaan ng Pilipinas at ng mga Pilipino. Nabago lamang ito noong mga dekada 60-70.
Nais natin dito, sa lecture na ito, alamin nang pahapyaw si Macario Sakay at ang Republika ng Katagalugan. Sila nga ba ay mga ordinaryong kriminal, mga bandido lamang, o mga bayani ng Pilipinas?
ANG KATIPUNAN
Si Sakay ay lumabas sa eksena ng ating kasaysayan noong nag-uumpisa pa lamang ang himagsikan laban sa mga Kastila. Isa siya sa mga naunang kasapi ng Katipunan. Nararapat na balik-tanawin muna natin ang Katipunan.
Ang Kataastaasan Kagalang-galang na Katipunan ng manga Anak ng Bayan ay binuo noong 1892, sa Tondo, sa pangunguna ni Andres Bonifacio. Isa itong lihim na Katipunan ng mga makabayang Pilipino, o sa wikang English, isang assembly or gathering of patriot Filipinos. Ito ay naging isang lihim na katipunan sapagkat labag ito sa batas ng mga Kastilang naghari sa Pilipinas, dahil layon nito na paalisin ang mga Kastila sa Pilipinas. Marahilan, inilihim na rin ng mga katipunero sapagkat bumubuo pa ito ng lakas para sa himagsikan laban sa mga Kastila. Layunin nila ang kasarinlan ng Pilipinas.
Ayon sa mga historians, tulad ni Teodoro Agoncillo, ang Katipunan daw ay umusbong mula sa pagkukulang ng mga Propagandistas. Ang pagka-unsyami ng mga layunin nila ay humantong sa pagnanais ng kalayaan mula sa Espaňa. Namulat sila na walang balak ang mga Kastila na baguhin at paunlarin ang pamumuhay sa Pilipinas. Ang pag-asa nalang para sa pagbabago ay ang paghiwalay ng Pilipinas, Inang Bayan, sa Madre Espaňa.
Hindi nagtagal, lumawak at lumaki ang Katipunan. Mula sa lihim at maliit na katipunan sa Tondo umabot hanggang sa mga probinsya ang Katipunan. Kaya’t nagkaroon din ng pangkatan. Ang pangkat ni Bonifacio, mga katipunero ng Tondo, o ang mga tinatawag na tunay na katipunero,ay tinawag na Katagalugan. Sa Cavite naman ay may dalawang pangkat, ang Magdalo at Magdiwang. Ang unang pangkat ay pinamumunuan ng mga Aguinaldo, at nakabase sa Kawit. Ang ikalawa naman ay mula sa Noveleta, at pinamumunuan ng mga Alvarez, at kinabibilangan ni Artemio Ricarte. Ang grupo naman ni Pio del Pilar sa Makati ay tinawag na Magtagumpay. Ang mga iba’t-ibang pangkat ay may kanya-kanyang sariling bandila.
Ang pagpapatakbo sa Katipunan ay may sinusunod na istruktura. Nahahati ito sa iba’t-ibang baitang o nibel ng pamamahala. Meron itong tatlong nibel sa pangangasiwa sa Katipunan. Ang Kataastaasang Sanggunian, Ang Sangguniang Bayan, at Ang Sangguniang Balangay. Sakop ng kataastaasang Sangguniang ang pangkalahatang pamumuno sa Katipunan. Ito ay binubuo ng Supremo o Presidente, at ang kanyang gabinete. Ang Sangguniang Bayan ay ang namamalakad sa nibel ng probinsya. Ang Sangguniang Balangay naman sa pambayan o munisipyo. Ang Kataastaasang Sanggunian at ang mga presidente ng mga mababang sanggunian ang bumubuo sa Assemblia ng Katipunan.
SI MACARIO SAKAY
Si Macario Sakay ay isa sa mga pinuno ng isa sa mga Sangguniang Balangay ng Katipunan. Siya ay naging presidente ng Balangay Dapitan. Sa mga pinirmahan niyang dokumento bilang presidente ng Dapitan gamit niya ang ranggo ng isang Lieutenant-General. Ayon kay Orlino A. Ochosa, binubuo nila Bonifacio, Jacinto, at Sakay ang pamumuno sa Katagalugan, sila ang triumvirata ng Katagalugan.
Tulad nila Bonifacio at Jacinto si Sakay ay lumaki sa Tondo. Siya ay ipinanganak noong 1870, at isa siyang anak sa labas. Ang kanyang apelyido ay galling sa kanyang ina. Siya ay naging isang barbero, namasukan bilang isang trabahante ng isang banyaga korporasyon sa Pilipinas, at lumabas din daw siya sa entablado, sa mga moro-moro.
Hindi siya namatay noong pumutok ang himagsikan laban sa mga Kastila, kaya’t kasama siya sa mga unang lumaban sa mga Amerikano. Isa si Sakay sa mga naunang nadakip ng mga Amerikano noong sumiklab ang labanan noong 1899. Nakalaya naman siya noong 1902 dahil sa isang amnesty. Pagkatapos makalaya sa pagkakulong bumuo siya ng isang grupo at pinagpatuloy niya sa pakikipaglaban sa mga Amerikano.
Habang siya ay nakakulong, ay nahuli si Emilio Aguinaldo, ang Presidente ng Republika ng Pilipinas. Sa pagkahuli ni Aguinaldo, nanawagan siya ng tanggapin ng mga Pilipino ang pamahalaan ng United States of America. Hindi naka-apekto ang panawagan ni Aguinaldo sa pakikipaglaban sa mga Amerikano. Pinagpatuloy ni Miguel Malvar ang Republika ni Aguinaldo. Ngunit hindi nagtagal ay nahuli narin si Malvar, at bumagsak ng tuluyan ang Republika ni Aguinaldo. Ngunit tuloy parin ang pakikipaglaban nila Lucio San Miguel, at nila Faustino Gullermo. Sa mga lugar naman ng Cavite, Laguna, at Batangas tuloy ay pakikipaglaban nila Julian Montalan, Cornelio Felizardo, at Aniceto Oruga. Matapos makalaya, naging isa narin sa mga grupo na lumalaban sa mga Amerikano ang grupo ni Sakay, ang kanilang mga operasyon ay sa lalawigan ng Rizal.
ANG REPUBLIKA NG KATAGALUGAN
Sa mga panahon noong 1904 nagkaroon ng malaking problema ang mga Amerikano sa Samar. Dahil ditto ay nangangailangan dagdagan ang mga sundalong Amerikano sa Samar at pagtuonan ng buong pansin ito. Ito ay naging isang malaking pagkakataon para sa mga lumalaban sa mga Amerikano sa Luzon. Ito na ang pagkakataon nila upang makapaglunsad ng malawakang opensiba laban sa mga Amerikano.
Napagpasyahan ng mga pangkat nila Montalan, Felizardo, at Sakay na bumuo muna ng Republika bago tuluyang maglunsad ng malawakang pag-atake. Ninais nilang magkaisa muna sa pakikipaglaban sa mga Amerikano. Binuo nila ang Republika ng Katagalugan. Hinirang nila bilang Presidente Supremo si Sakay. Si Julian Montalan naman ang hinirang nila bilang pangkalahatang taga-pangasiwa sa mga operasyong militar. Kumukuha ng mga utos sila Lucio de Vega, Cornelio Felizardo, at Aniceto Oruga mula kay Montalan at Sakay. Si Franciso Carreon, isang tunay na katipunero, naman ang naging pangalawang pangulo at tagapagpayo ni Sakay.
Ang kuta nila Sakay, at pangunahing opisina narin ng Republika, ay sa mga bundok ng Tanay, Rizal. Ang tawag nila dito ay Di-Masalang. Hirap na hirap ang mga Amerikano sa pagtunton ng kuta na ito. Dito nagmumula ang mga utos, panawagan, at proklamasyon ni Sakay sa pamamahala ng Republika.
Ang Republika ng Katagalugan ay meron sariling saligang-batas. Ito ay binase nila sa saligang-batas ng Katipunan. Meron din itong mga gabinete, opisyales, at organisasyong militar. Nagpapadala ang Republika ng mga proklamasyoan at mga kasulatan sa iba’t-ibang banyagang embahada sa Pilipinas. Nagpapataw din ng mga kaparusahang kriminal sa mga lumalabag sa mga batas nito at sa mga tumutulong sa mga Amerikano.
Malaki ang bahagi ng mga mamamyang Pilipino sa buhay ng Republika ng Katagalugan. Mula sa kanila ang mga pagkain ng mga sundalo at opisyales ng Republika. Mga impormasyon at iba’t-ibang tulong ang ibinabhagi ng mga mamayang Pilipino sa Republika. Nagbabayad din sila ng buwis sa Republika ng Katagalugan.
Naging isang malaking hadlang sa mga ambisyon ng mga Ameikano ang Republika ng Katagalugan. Pinerwisyo nito ng mabuti ang mga programa ng mga Amerikano sa Pilipinas. Kaya’t lubos-lubos din ang galit ng mga Amerikano kanila Sakay. Iba’t-ibang paraan ang ginawa nila para madakip ang mga pinuno ng Republika. Pilitang nilipat nila sa ibang lugar ang taga-suporta nila Sakay, reconcentration sa wikang English ang paraan na ito. Dahil dito nahirapan at nagutom sila Sakay.
Natapos lamang ang pakikipaglaban ng mga Amerikano sa Republika nila Sakay noong ang mga pinuno nito ay nahuli. Naunang sumuko si Oruga. Napatay naman si Felizardo ng mga impostor. Si Sakay, Montalan, de Vega, at Villafuerte ay nahuli pagkatapos silang malinlang ng mga Amerikano. Inimbitahan sila ng Mga Amerikano sa isang pakikipag-usap, at pinangakuan na hindi huhulihin. Pumunta sila sa pakikipag-usap pero sa huli sila rin ay hinuli.
Si Macario Sakay ay nahuli noong Hulyo 1906. Ikinulong siya sa bilibid kasama ng kanyang mga heneral. Siya ay binitay, kasama ni Lucio de Vega, noong Setyembre 13, 1907. Ang kanyang mga huling salita ay “Mga Tunay na Katipunan Kami.”
KONKLUSYON
Ang grupo ni Sakay ay hindi maaring ituring isang grupo lamang ng mga tulisan. Ang kanilang mga adhikain at layunin ay nag-ugat sa mga layuning makabayan ng Katipunan. Minimithi nila ang kasarinlan at kabutihan ng Pilipinas. Hindi para lamang manakot, magnakaw, at maghasik ng lagim.
Ang malawakang suporta na ibinigay ng mga Pilipino sa kanila ay isang patunay na hindi sila mga ordinaryong kriminal. Kaisa nila ang mga Pilipino sapagkat ang mga Pilipino ay kanilang ipinaglalaban. Ang kanilang pakikipaglaban ay ang pagpapatuloy sa mga layunin ng Katipunan.
Ang pagtatag din ng isang Republika ay patunay na hindi sila mga ordinaryong bandido o tulisan. Ang nais nila ay isang pamahalaan ng mga Pilipino. Ang mga ordinaryong kriminal ay walang balak magtatag ng isang Republika o pamahalaan sapagkat ang mga layunin ng mga ito ay pansarili lamang.
REFERENCES:
Agoncillo, Teodoro. History Of The Filipino People 8th ed. Quezon City: Garotech
Publishing, 1990.
Constantino, Renato. The Philippines: A Past Revisited. Manila,Philippines: ISBN, 1998.
Ochosa, Orlino A. Bandoleros: Outlawed Guerillas Of The Philippine-American War
1903-1907. Quezon City, Philippines: New Day Publishers, 1995.
Sunday, February 17, 2008
Subscribe to:
Posts (Atom)